GINTONG ALAALA
at
TALAMBUHAY
ni
Mamerto Ramos Padolina
1845-1923
PAGHAHANDOG
Sa yumaong ninuno’t magulang ay bayaang ihandog ang Alaalang
Palatuntunang ito,
Pagngiti ng araw,sa gawing silangan,
Paunang Salita
Ang himagsikan ay sinimulan ng tatlong pareng martir na sina Mariano Gomez,Jose Burgos, Jacinto Zamora,(GomBurZa),at natapos sa pagkakasuko ni Heneral Miguel Malvar.Ang dugo’t buhay na ibinuwis ng tatlong pareng martir ay nagsilbing binhi ng mga Pilipino sa pagiging makabayan.
Sa kasaysayan ng digmaan sa buong daigdig ay itinuturing na maikli nang panahon ang naganap sa bansang Pilipinas,sapagkat natapos lamang ito sa loob ng tatlumpong taon,(1872-1902).Sa kabila nang maikling panahon na iyon,ang mga Pilipino’y nagmana ng kabayanihan at kagitngan ng loob sa diwa’t alaala.
Katulad ni Komandante Mamerto R. Padolina,ang mga tinamong tagumpay na natatala sa mga dahon ng kanyang kasaysayan ay magsisilibing gabay at halimbawang landas na dapat tuntunin ng ating kababayan.Ang bawat kabanata sa buhay ng ating mga bayani ay magiging batayan ng mga dakilang simulain at makabayang damdamin.
Sa bawat yugto sa talambuhay ng aking isinalaysay,ay batay sa tunay na mga pangyayaring nabatid ko sa pakikipanayam sa mga taong may kinalaman sa buhay Komandante Mamerto R.Padolina.Nagsaliksik din ako sa mga lumang kasulatan at talaang tagapag-gunita,tungkol sa kanyang buhay at gayon din naman sa mga kuwentong isinalaysay ng anak,mga apo,at mga kaibigan.
Lubos ko ring pinasasalamatan ang anim na lalaking aking pinagsanggunian.Bagama’t marami nang taon ang nagdaan sa kanilang mahabang buhay,ay sariwa pa rin sa kanilang alaala’t gunita,ang mga pangyayaring nasasaad sa kasaysayan ni Komandante Mamerto R. Padolina.Palibahasa’y di pangkaraniwang pagakakataon,kung kaya’t di malimot at malaon nang natitik sa kaibuturan ng kanilang puso.
Sa wakas ay higit nating pasalamatan ang mga bayaning nangabuwal sa gitna ng dilim,at nag-tanggol sa karapatan ng mga kayumanggi,sapagkat kung hindi ng dahil sa kanilang pagpupunyagi,sa kanilang pagmamalasakit at sa kanilang mga tagumpay,di sana’y hindi natin natamo ang bang liwayway ng magandang umaga.
JOSE LEA PADOLINA,SR.
Ika-10 ng Abril 1977
Penaranda Central School,
Penaranda,Nueva Ecija
Talambuhay ni
MAMERTO RAMOS PADOLINA
JOSE LEA,PADOLINA SR.
EULALIO L.PADOLINA JR.
Maghari ang katarungan at
pangibabawin ang kapangyarihan
ng Pilipino sa mga dayuhan.
Sa liblib na pook,maganda at matulaing mga paligid,sa nayon ng Papaya, Penaranda ,Nueva Ecija at sa abot-tanaw ng dalampasigan ng ilog Penaranda,ay sinilang ang isang sanggol noong ika-18 ng Nobyembre 1845.Ang sanggol na ito ay hinangaan at kinilalang bayani ng nayon ng Papaya,ay dilit iba na si Komandante Mamerto Ramos Padolina.Ang kanyang ama ay si Francisco Padolina,at ang kanyang ina ay si Maria Ramos.Sa apat na magkakapatid ay nakabilang siya sa pangatlo na tanging anak na lalaki ng mag-asawang Francisco at Maria.Ang kanilang pamilya,kung hindi man maituturing na mayaman,ay nakaaangat naman sa karaniwang mamamayan nang mga panahong iyon.
Si Komandante Mamerto R.Padolina ay nag-aral ng Cartilla,Caton,Librong Tagalog at tuloy nagpakabihasa sa pagsulat sa Cuaderno,na ang mga gamit ay papel de barba,tinta at ang panulat ay pakpak ng pabo o manok.Bahagya siyang natuto ng kastila,ngunit hinangaan naman sa pagkamahusay na managalog,wastong mangatuwiran at laging namumutawi sa kanyang mga labi ang mga pangungusap na makabayan.Hindi rin niya gaanong pinansin ang pagsulat,subali’t dagliang bigkasan ay tunay na di siya mapapantayan ng mga panahong iyon,dala palibhasa ng kanyang malakas,buo at kagalang galang na boses.Maraming katangian siyang tinataglay.May tipong pambihirang matagpuan sa isang Pilipino.Tumitindig na may taas na limang talampakan,at labing-isang pulgada.Ito’y binagayan ng timbang na 220 libras humigit kumulang.Ang mga katangiang ito na pinagkaloob ng Poong Maykapal ay buong puso’t kaluluwa niyang pinasasalamatan.Ang mga kakayahang itinalaga sa kanya ng Diyos ay hindi ginamit sa pan-sariling kaunlaran,kundi sa kapakanan at kabutihan ng bayan.Kailan ma’y hindi mapag-aalinlanganan ang katapatan sa Diyos,sapagkat si Komandante Padolina ay palatawag at palasimbahin ,at sa katunayan ay mababakas pa sa kanyang mga anak at mga apo,ang palagiang pakikipag-unawaan sa Poong Maykapal.
Nakipag-isang puso kay Regina Dagiron ng San Josef,Penaranda,Nueva Ecija noong taong 1872.Ang naging bunga ng kanilang matatamis na suyuan ay sampu.Mula sa pinakamatanda ay sina Eulalio,Juana,Marcina,Dorotea,Paulino, Ruperto,Mariano,Cecilia,Froilan at Paula.Pito ang nagkapalad na magkaroon ng pamilya,ngunit ang dalawa ay di nagkaroon ng supling,sina Mariano at Cecilia.Sa panahong ito ay si Ginang Paula Padolina Mangahas na lamang ang buhay.Tanging pinagpala upang tupadin ang tungkuling mahalin,magbigay-payo at lingapin ang kanyang ang mga hinlog.
Si Komandante Mamerto R. Padolina ay mapag-isip.Sa panahon ng pangaraw-araw na tungkulin niya sa buhay,ay laging kalakip sa kanyang gunita't damdamin ang magandang kinabukasan ng kanyang pamilya,at higit sa lahat ay ang kanyang kababayan.Naging buhay ang alituntunin ng kanyang buhay ang paglingkuran at ipagtanggol ang mga naaaping kababayan.Ang buong panahon,buong puso't pagiisip ay nahahandang ilaan sa mga kanayon upang ipagsanggalang,paghariin ang katarungan at pangibabawin ang katuwiran,kasukdulang masadlak sa kasawian ang iniiwang buhay.
Nang dahil sa kanyang pagsusumikap sa mga gawaing pang-makabayan,siya ay hinirang na maging tiniente del Baryo ng Papaya,at lalong naging matapat at walang pasubaling pagtupad sa tungkuling nakataang sa kanyang balikat.Hindi lamang ang mga kanayon at paligid bayan ang humanga at gumalang sa kanyang katalinuhan at katapangang ipinamalas kundi pati mga Guwardya Civil at agosil ng bayan ay humanga rin.Buong giting niyang ipinagtanggol ang kaapihan at karapatan ng bawat isa.Bilang pagbibigay dangal sa sarili ay hindi niya binibigyan ng puwang ang katiwalian at buktot na pamamaraan sa ilalim ng kanyang kapangyarihan,sapagka't ang pag-iimbot ay kapatid ng kasawian.
Gabi,ika-7 ng Hulyo ng taong 1892,araw ng pagkakatapon ni Dr.Jose Rizal sa Dapitan,Mindanao ay noon itinatag ni Andres Bonifacio ang katipunan sa Tondo,Manila.Ang dalawang katulong ay sina Teodoro Plata at Ladislaw Diwa.Ang Katipunan ay isang lihim na kilusan ng mangdirigmang makabayan.Ang tunay na pangalan ng samahang ito ay Kataas-taasang Kagalang-galang Katipunan Ng Mga Anak Ng Bayan,(KKK).Ang Katipunan ay may dalawang layunin:Una-Pagisahin ang lahat ng mga Pilipino na mabuo bilang isang bansa.Pangalawa-Magkaroon ng kalayaan sa pamamagitan ng paghihimagsik.Ang sino mang sumapi ay magdadaan muna sa masusing pagsubok.Si Komandante Padolina ay kabilang na sumapi sa kabila ng buhay na nanganganib sa pamahalaang Kastila.Pagkatapos ng Pacto de Sangre(Blood Compact) ay taimtim na nanumpa at lumagda sa kasunduan na sariling dugo mula sa braso ang ginamit.Buong kabayanihan niyang napagtagumpayan ang mga pagsubok at panunuri kung kaya't siya ay tinanghal na isang tunay na Katipunero.
Kusang inihatid ng panahon ang kalagim-lagim na paghahari at kalupitan ng mga Guwardya Civil at Casadores.Ang mga taong inaakalang kalaban ng Kastila ay hinuhuli at pinipiit sa bilangguan,at ang iba naman ay pinarurusahan sa pamamagitan ng pangaw,palo at kulata ng baril at kung magkabiha'y tuluyan ng pinuputi ang buhay sa pamamagitan ng punlo.
Ang isa sa mga nagdusa sa kalupitan ng Guwardya Civil ay si Urbano
Fajardo(Tinting Bano) na asawa ni Tandang Andre Bal.Nang umabot sa kaalaman ni Komandante Padolina ang pangyayari,siya ay hindi nag-aksiya ng panahon. Noon din ay sumaklolo at madaliang pinigil ang marahas,at nangangalit na mga Guwardya Civil na nagpaparusa kay Tinting Bano.Marahan niyang binuhat ang nagaagaw-buhay at lupaypay na katawan ni Urbano Fajardo at agad sinugod sa Albularyo at nang mahismasmasan na'y sinamahan sa Kuwartil ng mga Kastila upang ipangtanggol at pawalang kasalanan.Dahil sa kanyang kagitingan ay napahinuhod niya ang mga Casadores at nahango si Tinting Bano sa tiyak na kamatayan.
Ang kaharian ng kapayapaan ay di na yata darating sa buhay ni Komandante Padolina.Ang araw ng katahimikang pinakahihintay ay waring napapalaot.Ang nagugulimihang buhay ay lalong lumalabo sa halip na luminaw.Ang linaw na dapat mangibabaw ay lumalalim.At ang latak na nararapat sa kaila-ilaliman ay siya pang pumaibabaw sa kalabuan.Palibhasa'y mga pangyayaring malaon nang nakasulat sa mukha ng tadhana.Mga pangyayaring di maaaring supilin sa pamamagitan ng isang pangarap lamang,kundi isang lakas ng loob na may pag-ibig,isang matatag na layunin,buong lunggati na di maaaring supilin ng mga taksil na kababayan. Noong taong 1895 buwan ng Marso,sa gitna ng katahimikan ng gabi,ang nayon ng Papaya ay biglang pinukaw ng mga manloloob na taga-Batasan,San Miguel, Bulacan.Ang masasamang loob ay pawang sandatahan,may higit na lakas,kung kaya't napinsala ang nayon.Sa gayong pangyayari aynagkaroon na naman ng malaking suliranin si Komandante Padolina.Kinabukasan nang araw ring iyon ay nagtatag siya ng isang samahan na pinamagatang Bisig at Lakas ng Papaya.Buong ingat at talino niyang itinatag ang samahan sa pamamagitan ng pagpili ng mga lalaking kakatiwalaan sa kilusang ito.Sina Kapitan Juancho Padolina,Kapitan Rufino Punsal,Kapitan Eulalio Padolina at Kapitan Juan Calma ang mga kanayong may pawang matatag na paninindigan, ay siya niyang hinirang sa nasabing samahan. Pinangalagaan at itinaguyod ni Komandante Padolina ang samahang Bisig at Lakas ng Papaya hanggang sa ito ay umunlad, at nagkaroon ng mahigit na isang-daang kasapi.Mga kasaping matitining ang loob,mga anak ng bayan na nahahandang ihain ang buhay alang-alang sa kaunlaran at kaligtasan ng bayan. Ang samahang bagong tatag ay biglang umalingaw-ngaw hindi lamang sa karatig-bayan kundi halos sa buong lalawigan. Mula noon ay iginalang ang nayon ng Papaya ay hindi na muling naligalig. Dahil dito'y nautusan si Komandante Mamerto Ramos Padolina ni Heneral Mariano Llanera na siyang mamahala ng lihim na kilusan sa Nueva Ecija. Buong puso niyang tinanggap ito. Sa sandaling pamamahala ay hinangaan siya ng mga kasamahan. Ngunit nang dumating si Heneral Urbano Lacuna, mula sa Maynila ay nagkaroon ng malaking pagpupulong ang mga katipuneros. Iminungkahe ni Komandante Padolina na isalin na kay Heneral Urbano Lacuna ang pangangasiwa ng mga sundalo sa Nueva Ecija, hanggang bahagi ng Pangasinan. Ang mungkahing ito'y sinang-ayunan at pinagtibay ng lahat. Dahil sa malaking tiwala ni Heneral Urbano Lacuna kay Komandante Padolina sa ipinalamalas na pamumuno at pagmamalasakit sa lihim na kilusan, ay ipinagkaloob ang medalyang pagka-Komandante. Ang sakop ay ang buong Penaranda,Papaya at mga paligid,hanggang sa kalakhan ng Gapan. Ang kanyang naging adhikain at patakaran,sa sarili at lahat ng nasasakupan ay naging tunay na Pilipino sa damdamin,sa isip at higit sa lahat ay sa gawa.
Noong ika-26 ng Agosto,taong 1896,ang lahat ng mga kasapi sa Katipunan sa gawing Maynila na mahigit sa dalawang-libo ay tinipon ni Andres Binifacio, at lumabas sa parang na ang sandata ay matatalim na gulok at kamp
ilan.Sa araw na iyon ay buong lakas na isinigaw ng mga anak ng bayan ang: MABUHAY ANG REPUBLIKA.Iyan ang tinatawag na UNANG SIGAW SA BALINTAWAK. Diyan nagsimula ang pagsikla ng himagsikan laban sa mga Kastila.
Samantalang ang alingaw-ngaw ng himagsikan ay patuloy na lumalaganap sa bayan at mga lalawigan ay sinamantala naman ni Komandante Mamerto R.Padolina na igayak ang kanyang hukbo na mahigit isang-daang katao na ang bawat isa'y handang ibuwis ang buhay alang-alang sa kalayaan. Sa malalon at madali ay lihim na tumanggap ng utos mula kay Heneral Mariano Llanora na isa siya na lulusob sa Faktorya Garison ng Kastila,San Isidro,Nueva Ecija sa ika-2 ng Setyembre 1896. Pagkatapos na mabigyan siya ng mga pangunahing tagubilin ni Heneral Mariano Llanora ay tuluyan nang tinipon ang mga kawal.Sa dahilang ang tanging kasangkapan ng mga katipuneros ay gulok at sibat ay umisip ng magandang paraan si Komandante Padolina upang makalapit at pagtagumpayan ang unang araw ng kanilang pakikihimagsik.Pumasok ang kompanya sa Faktorya (San Isidro) na may kasamang mga musiko na waring nagpro-prusisyon at sa unahan naman ay may apat na eskrimador na ipinamalas ang kagalingan sa arnis de mano.Tunay na nakawiwiling panuorin ang kanilang kahusayan. Nang matapat sa kuwartil o garison ay doon pinagbuti ang tugtug ng musiko at eskrimahang walang puknat ang pinakita sa mga kastila.Naaliw sila sa panunuod hanggang,ang lahat ng kasadores sa kuwartil ay pumanaog upang pagbigyan ang mga sarili sa kasiyahan at samantala namang unti-unting iniikit ng mga katipuneros ang mga walang malay na Kastila at mga Guwardya Civil na pawang de baril. Sa ubod nang kasabikan sa panunuod ay biglang humudyat si Komandante Mamerto R. Padolina sa pamamagitan ng pagsigaw ng Balat,at sa halip na arnis de mano ang makita ay kahambal-hambal na tagaang walang tagumpay,pingkian ng gulok at baril na makangingilong saksihan ng mata. Lubos ang kapinsalaan ng mga Kastila, hanggang sa inakyat ng mga katipuneros ang kuwartil at tuloy sinamsam na lahat ang mga armas. Sa unang tagpo ng kanilang pakikilaban ay maituturing na isang malaking tagumpay,sapakat ang buong kompanya ay di-gaanong napinsalaan at sa halip ay nagkaroon sila ng maraming armas. Iniwan ang garison na naglipana ang mga bangkay ng mga dayuhang puti at kayumangging Guwardya Civil na naglutang sa sariling dugo.
Patuloy ang puta-putakting pag-aalsa sa silong ng langit nitong Pilipinas. Naligalig ang mga Kastila at ang mga makabebe na subasob sa mga dayuhan ay lalong nagpunyagi upang ibagsak ang layunin ng katipunan na hanguin ang buong ka-Pilipinuhan sa malaon nang pagkakaalipin. Noong ika-7 Hulyo ng taong 1897 nagtungo si Komandante Mamerto R. Padolina sa Bika-na-Bato upang tumanggap ng mga utos hinggil sa hinaharap pang pakikibaka. At ang saligang-batas na isinulat nina Isabelo Artacho at Felix Ferrer,ay pinagtibay rin noong unang araw ng Nobyembre taong 1897 na nagkakabisa lamang ng dalawang-taon at pagkatapos ay makakaroon ng pagbabago.Noon din ay pinagkaisahan na si Heneral Emilio Aguinaldo ang hiranging pangulo ng Pilipinas.Sa sumunod na taon,ika-12 ng Hunyo 1898 ay ipinahayag ang pagsasarali ng Pilipinas sa Kawit,Cavite. Dalawang buwan at isang araw lamang na naghari ang kaunting katiwasayan sa ilang panig ng bansa at pagkatapos ay biglang dumating si Admiral George Dewey bilang bagong kalaban noong ika-13 ng Agosto ng taong ding iyon, at nasakop ang Maynila.Muli na namang tinipon ni Komandante Padolina ang kanyang mga tauhan at ang kanyang angkan ay itinago sa may Minalungao na kasama si Kapitan Pantaleon Balmonte,na noon ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga kaaway.Hindi pa halos lumalamig ang dulo ng kanyon ng baril sa labanang Kastila at Pilipino,ay labanan na naman ng Amerikano at Pilipino ang sasalungahin.Sa dahilang higit na malakas ang mga kasangkapan ng Amerikano sa Pilipino,kung kaya'y kusang napipilan at naitaboy ang mga ng bayan sa kabundukan.Nakarating sina Komandante Padolina at kasama rin si Heneral Urbano Lacuna at mga tauhan sa likod ng bundok Minalungao.Ang lugar ng Minalungao ay maganda at walang panganib ang kanilang kinalalagyan sapagkat kita nilang lahat ang kalaban ngunit hindi sila natatanaw.Hindi kakaunting makabebe at Amerikano ang napinsala at ang iba naman ay tuluyan nang nangamatay,sa pamamagitan lamang ng pagpagulong ng malaking bato mula sa kataasan ng kanilang kinalalagyan.Matigas ang kalooban ni Komandante Padolina. Sa utos ng kanyang Heneral na si Urbano Lacuna ay hindi binigyan ng puwang ang mga kalaban na maakyat ang kanilang kuta.Sa gayong katayuan ay dumating ang araw na maubos ang kanilang mga pangunahing pagkain,dahil sa karamihan ng mga sundalo.Ikalawa,ay walang dumating na ayuda sa dahilang may saklang lahat ang mga daan na patungong kabayanan.Nag-tiis pa ng ilang araw ang mga bayaning-anak ng bayan na nakipagpalitan ng lakas,sa kabila ng walang inaasahang pagkain.Ipinagpatuloy pa rin ang pakikipag-tunggali hindi lamang sa bangis nga kaaway,kundi sa bangis pa rin ng kagutuman.Ang iba ay nakahandusay,hindi dahil sa punlo kundi sa sakit na Malaria,at ang iba naman ay tuluyan nang nangamatay na kimkim sa dibdib ang pag-ibig sa bayan.Iyan ang pinakamasaklap na yugto sa buhay ni Mamerto R.Padolina.Tumatangis ang puso,ngunit sumisigaw ang damdamin.Lungkot at habag ang namumuno sa dibdib,ngunit nangi-ngitngit naman ang kalooban,dahil sa hangaring mapagtagumpayan ang mapanganib na mga kaaway.Unang araw ng Abril 1901,samantalang halos nagbabaga ang kabundukan ng Minalungao,dahil sa dagundong at walang humpay na putukan,ay noon naman kasalukuyang nanunumpa si Heneral Emilio Aguinaldo sa katapatan sa bandilang Amerikano at nang dumating ang ika-19 ng Abril taong 1901,ipinahayag na rin ni Heneral Emilio Aguinaldo sa lahat ng katipunan at mga anak ng bayan ang patalastas na tanggapin ang kasalukuyang patakarang ipinaiiral ng mga Amerikano.Sumapit sa kaalaman ni Komandante Mamerto R.Padolina ang pahatid kalatas at inuutos na rin sa lahat ng kanyang nasasakupan na ibaba na ang mga armas bilang pagsuko.Masaklap man sa kanyang damdamin ang mga pangyayari,ay buong kabayanihan niyang tinanggap ang pagkatalo,palibahasa'y atas ng tadhana. Noon niya naramdaman ang pagkalupaypay ng hapong katawan.Kung bagama't hindi nakamit ang adhikain,ay tinugunan naman niya ang tungkulin sa bayan ng isang matapat at walang pasubaling pagtupad.Ang mga hirap,gutom at uhaw ay hindi inalintana,tulad nang nadama ng kanyang sarili na ang mga paligid ay nilalambungan ng ganap na kalungkutan.
Ang kadakilaang ipinamalas,ang mga gintong butil ng pag-ibig sa bayan,at nag lahat ng kanyang tagumpay ay isa-isang tinuhog ng kuwintas sa kabayanihan,at masuyong isinabit sa dibdib ng Inang Bayan.
Pagkatapos ng humigit-kumulang sa sampong taong pakikihamok,siya'y namahinga at binawian ng buhay noong ika-13 ng Setyembre 1923.
Bagama't ang diwa at bango ng Katipunan ay unti-unti nang napaparam sa kalooban ng lipunan,at ang kadakilaan ng mga anak ng bayan ng panahong nagdaan,ay limot na rin ng madla,ay hindi makakaila na ang magandang kasaysayan ni Komandante Mamerto R. Padolina ng nayon ng Papaya,sa ngayon ay bayan ng General Tinio,Nueva Ecija ay nananatiling nakasulat sa pisngi ng langit.
MGA PINAGSANGGUNIAN:
1.Epifanio Bote- Gen.Tinio,Nueva Ecija
2.Mariano S. Padolina- Gen.Tinio,Nueva Ecija
3.Vicente V.Tan- Penaranda,Nueva Ecija
4.Marcelo Padolina- Nayon ng M.R. Padolina,
Gen.Tinio,Nueva Ecija
5.Ex-Mayor Marcelo Lacuna- Penaranda,Nueva Ecija
6.Ex-Mayor Joaquin Balmonte- Gapan,Nueva Ecija
7.Mga lumang talaang Tagapag-gunita